-- Advertisements --
image 97

Kasabay ng pagdedeklara ng El Niño phenomenon sa malaking bahagi ng bansa, hinikayat ngayon ng Department of Environment and Natural Resources ang mga ahensiya ng pamahalaan na makiisa sa pagtitipid ng tubig.

Ito ay batay na rin sa inilabas na guidelines ng Water Resources Management Office (WRMO), isang sangay ng Department of Environment and Natural Resources na nabuo sa ilalim ng Memorandum Circular no 22 na unang inisyu ng Malakanyang nitong Abril ng kasalukuyang taon.

Nakasaad sa mga nasabing guidelines na dapat ay gumamit ang mga building administrators ng bawat ahensiya ng akmang conservation measures, katulad ng mga hiwalay na water meter upang regular itong mamonitor.

Nakasaad din dito na kailangang mag-ipon ang bawat ahensiya ng mga tubig-ulan upang magamit na panlinis at pandilig ng mga halaman.

Pinapatiyak din sa mga building administrators na walang tagas o sira ang mga gripo at tubo.

Ikinatuwiran ng Water Resources Management Office na ang mga palyadong water valves ay nagiging dahilan ng pagkawala ng 130 cubic meter kada buwan. Ito ay katumbas ng P12,000 na water fee kada buwan.

Inirerekomenda rin ng nasabing tanggapan na bawat empleyado ay limitahan ang konsumo nang hindi lalagpas sa limampung litro ng tubig kada araw.

Sa pamamagitan ng mga nabanggit na guidelines, umaasa ang Water Resources Management Office na mababawasan ng hanggang sa 10% ang konsumo ng tubig sa bawat ahensiya ng pamahalaan.