Sinamahan kamakailan ni Tutok to Win Partylist Congressman Sam “SV” Verzosa ang sikat at kampeong boksingero na si Floyd “Money” Mayweather na tumambay at makisalo-salo sa isang barangay sa Sampaloc sa Lungsod ng Maynila kung saan lumaki ang mambabatas.
Makikita sa mga larawan na masayang nakaupo sa gilid ng kalsada si Verzosa katabi at kakuwentuhan ang undefeated World Boxing Champion na si Floyd Mayweather.
Sa isang pahayag sinabi ni Verzosa na ang mahalaga na huwag makalimot ang isang tao sa kaniyang pinanggalingan lalo at kung galing ito sa hirap.
Dagdag pa ng mambabatas, proud umano siya na lumaki siya sa Sampaloc, Manila kaya inimbitahan niya si Floyd Mayweather na tumambay at duon na rin kumain upang maranasan nito ang realidad ng pamumuhay sa ating bansa.
Nilatagan ni Verzosa ng mga pagkaing pangkaraniwang hinahanda ng mga Pilipino tuwing may salo-salo gaya ng inihaw na manok, hotdogs, at kanin, tumikim din si Mayweather ng “dirty ice cream” para makumpleto ang Pinoy streetfood and tambay experience ng sikat na boksingero.
Ayon kay Mayweather ito na ang pinakamagandang karanasan niya sa Pilipinas at maging sa buong Asya.
Dumating si Floyd Mayweather sa bansa noong September 27, sa paanyaya na rin ni Congressman Verzosa, lulan ng private jet na The Money Team (TMT).
Naparito si Mayweather sa bansa upang pasinayaan ang bagong opisina na pag-aari ng mambabatas.