Inaprubahan ng multilateral lender na World Bank ang isang bagong budgetary support loan para sa Pilipinas para suportahan ang mga reporma sa patakaran ng gobyerno sa pangangalaga sa kapaligiran at climate resilience.
Sa isang pahayag, sinabi ng World Bank na inaprubahan ng kanilang board of executive directors ang $750 million Philippines First Sustainable Recovery Development Policy Loan (DPL).
Sinabi ng world bank na ang policy loan ay naglalayong suportahan ang patuloy na mga reporma ng Pilipinas upang maakit ang pribadong pamumuhunan sa renewable energy.
Dagdag dito, nagtakda ang gobyerno ng target na 50% share ng renewable energy (RE) sa kabuuang power mix sa 2040.
Sinabi ng World Bank na sinusuportahan din ng programang financing nito ang pagpapakilala ng mga bagong produkto ng insurance na angkop para sa mga mahihinang maliliit na magsasaka at pinapalakas ang saklaw at operasyon ng Philippine Crop Insurance Corporation.
Sinusuportahan din ng loan ang pagpapatupad ng Extended Producer Responsibility (EPR) Act, na nag-uutos sa malalaking negosyo na i-recover ang hanggang 80% ng plastic packaging waste sa 2028.
Una nang sinabi ng bangko na humigit-kumulang 1.7 milyong tonelada ng post-consumer na basurang plastik ang nalilikha sa Pilipinas taun-taon, na may tinatayang rate ng pagre-recycle na 28% lamang para sa recyclable plastic na basura.