Ipinanawagan ni Vice President Sara Duterte ang isang work culture na may pagpapahalaga sa mas maayos na sahod at mental health, gender responsive policies, at career growth opportunities ng mga manggagawa.
Ito ay bahagi ng naging ipinaabot na mensahe ng bise presidente sa kaniyang paggunita sa Araw ng Paggawa o Labor Day ngayong araw.
Kasabay nito ay kinilala niya ang pangangailangan ng bansa na magkaroon ng mas maraming disente at kalidad na trabaho na tutupad at susuporta sa growth ng bawat isa at magsusulong din sa isang work culture na magbibigay kahalagahan at iintindi sa responsibilidad sa global workforce at pamilya ng isang manggagawa.
Aniya, layunin nito na suportahan ang mga manggagawang ilaw ng tahanan, single parents, at working students na magkaroon ng mas maayos na career growth opportunities, at personal work fulfillment para sa lahat ng mga Pilipino.
Sa naturag pahayag ay binigyang diin din ni VP Duterte na ang mga manggagawang Pilipino ay isang mahalagang pundasyon sa pagdating sa nation-building, at gayundin sa pagpapaunlad pa sa ekonomiya ng Pilipinas.
Bukod dito ay ipinangako rin niya na bilang isang kalihim din ng Department of Education ay sisikapin ng kanilang kagawaran na bumuo ng matibay na pundasyon ng kaalaman at kasanayan para sa kahandaan ng kabataan para sa hinaharap at makaakit ng mas dekalidad at disenteng trabaho sa susunod na limang taon.