-- Advertisements --

Tinambakan ng Washington Wizards ang Indiana Pacers 142-115 sa kanilang play-in round sa Eastern Conference upang umusad sa NBA playoffs para sa No. 8 spot.

Dahil dito haharapin ng Wizards ang nag-aantay sa kanila na top-seeded na Philadelphia 76ers.

Masaklap naman ang nangyari sa Pacers na tuluyang eliminated na makalipas ang limang sunod na playoff appearances.

Nagsama muli ng puwersa sina Bradley Beal na may 25 points at si Russell Westbrook na nagdagdag ng 18 points, 15 assists at eight rebounds para umusad ang Washington sa unang pagkakataon mula noong 2017-18 season.

Bago ang play-in contest tatlong beses na ring hindi umubra ang Wizards sa Pacers sa regular season.

Pero nitong araw, hindi na pumayag ang Wizards na ilampaso muli nang gumana ang kanilang opensa.

Nagtala ang Washington ng 58.1 percent sa kanilang shooting kabilang na ang naipasok na 14 mula sa 28 pagtatangka sa 3-point range.

Maging sa rebounds ay angat din ang Wizards 52-40.

Sa Indiana nasayang ang diskarte nina Malcolm Brogdon na nagpakita ng 24 points at si Domantas Sabonis nag nag-record ng 19 points, 11 rebounds at 10 assists hanggang sa ma-foul out.

Samantala dadayuhin ng Wizards ang teritoryo ng Sixers sa kanilang matchup simula sa Lunes sa kanilang harapan sa first round ng best-of-seven series.