Binabalak ngayon ng Washington Wizards na alukin ng malaking kontrata ang tinaguriang “architect” ng 2019 NBA champion na Toronto Raptors na posibleng magbigay sa kanya ng $10-milyon kada taon.

Batay sa ulat, pinaplantsa na raw ng Wizards ang kanilang magiging offer kay Toronto general-manager Masai Ujiri upang makuha ito para magpatakbo ng kanilang basketball operations.

Hindi rin umano magsasayang ng oras ang Wizards kung saan may plano na rin daw sila na makipag-ugnayan sa Raptors “sa lalong madaling panahon” upang kanilang ma-interview si Ujiri.

Maliban dito, sakaling maakit nila si Ujiri, bibigyan din umano ito ng “mas malaking leadership role” sa Monumental Sports and Entertainment company na nangangasiwa sa Wizards at sa Capitals ng NHL.

Kinuha si Ujiri ng Raptors noong 2013, habang naging team president ito noong 2016 at nakakontrata hanggang 2021.