-- Advertisements --

Aminado ang National Bureau of Investigation (NBI) na alanganin umanong matapos ngayon taon ang imbestigasyon ng NBI sa $2.1 billion wirecard scandal.

Ayon kay Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar, base raw sa report ng NBI, nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang imbestigasyon sa naturang iskandalo.

Nag-isyu na rin umano ng subpoena ang NBI para sa mga taong posibleng sangkot dito para sila ay pagpaliwanagin.

Nag-ugat ang isyu nang ibunyag na nawawala ang €1.9 billion ($2.1 billion) o mahigit P1.7 trillion.

Una nang inimbitahan ng NBI ang abogadong si Mark Tolentino kaugnay pa rin sa sinasabing pagkakasangkot nito sa Wirecard scandal.

Inimbestigahan din noon ng Bureau of Immigration (BI) ang travel record ng dating Wirecard chief operationg officer (COO) na si Jan Marsalek na posibleng nagtagal sa Pilipinas noong Marso.

Nakapasok sa bansa ni Marsalek noong Marso lalo na sa mga panahong wala pa namang travel restrictions dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Itinanggi rin noon ng German payment processor Wirecard na COO nila si Marsalek matapos lumabas ang isyung may nawawalang $2 billion sa kanilang balance sheet na hindi naman daw talaga nag-exist.

Ang mga bangko naman sa Pilipinas kabilang ang Bank of the Philippine Islands (BPI) at BDO ay sinabing pineke ang mga dokumento kaugnay ng transaksiyon para magmukhang nasa kanila ang nawawalang pera.

Una nang sinabi na rin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang nawawalang pera na sinasabing idineposito sa dalawang bangko ay hindi nakapasok sa local financial system ng bansa.