-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinaghahandaan na ng pamahalaan ng Tanzania ang muling pagbubukas ng kanilang turismo sa buwan ng Hunyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rufil Clamano, isang Pinay na nakapag-asawa sa Tanzania, sinabi niya na sa darating na buwan ng Hunyo ay bubuksan na ang halos lahat sa nasabing bansa dahil wala na silang naitatalang kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nagbigay na aniya ng direktiba ang pamahalaan ng Tanzania sa mga opisyal na ipagpatuloy na ang kanilang mga trabaho.

Kasabay nito ay magbabalik na rin ang turismo, bubuksan na ang mga airports, mga unibersidad maliban lamang sa mga high school at elementarya.

Ayon kay Clamano, naghahanda na ang mga kompanya ng travel and tours sa Tanzania dahil tuwing buwan ng Hunyo ay maraming mga turista ang nagtutungo roon para saksihan ang pinakamalaking wildlife migration sa buong mundo.

Aniya, ang buwan ng Hunyo hanggang Agosto ang panahon na nagkakaroon ng wildlife migration ang mga hayop.

Open field aniya ang lugar at nalalapitan ng mga tao ang mga hayop.

Hindi naman aniya ito delikado at sa katunayan ay puwede pa silang mag-overnight sa lugar.

Wala rin silang dapat ipag-alala dahil mayroon ding mga nagbabantay.

Samantala, sinabi ni Ginang Clamano na bagamat wala na silang nababalitaan na naitatalang kaso ng COVID-19 ay mahigpit pa ring ipinapatupad ang paghuhugas ng kamay habang ang pagsusuot ng mask ay nasa mga tao na kung gusto nilang magsuot at ang social distancing ay hindi na rin masyadong sinusunod.