-- Advertisements --

Sumiklab ang isang wildfire sa paanan ng Bundok ng Kanlaon sa Munisipalidad ng La Castellana, Negros Occidental.

Ayon sa Bureau of Fire Protection sa La Castellana, past alas-1:00PM ng Marso 14, 2024 nakatanggap sila ng ulat hinggil sa nasabing wildfire.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang ginagawang pag-apula rito.

Sa ulat, sinasabing nagsimula ang paglagablab ng naturang sunog sa Barangay Biak na Bato at Barangay Masulog.

Kaugnay nito ay nagpadala na rin ang Provincial Disaster Management and Program Division Office ng Negros Occidental ng dagdag na team para tumulong sa BFP sa pag-apula sa apoy.

Samantala, sa kabila nito ay sinabi ng lokal na pamahalaan ng La Castellana na wala namang napinsala nang dahil sa wildfire.

Kasabay nito ay iniulat din nila na hindi rin naapektuhan ng nasabing wildfire ang major treeline ng Mount Kanlaon Natural Park sa La Castellana side.

Habang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang ginagawang assessment ng mga otoridad sa mga apektadong lugar upang alamin kung ano ang naging sanhi ng naturang sunog.

Samantala, batay naman sa pinakahuling datos na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ay sinasabing nasa average na 1,800 tons ng sulfur emissions na ang ibinuga ng Mt. Kanlaon.