Muling susundin ng Office of Civil Defense (OCD) ang konsepto ng ‘whole-of-government approach’ para tulungan ang mga pamilyang naapektuhan sa mga serye ng pagsabog ng bulkang Bulusan.
Ayon kay OCD Undersecretary Ariel Nepomuceno, mahigpit itong makikipag-ugnayan sa iba pang ahensiya ng pamahalaan upang magkaroon ng ‘unified’ at epektibong response.
Kabilang dito ang relief operations sa pangunguna Department of Social Welfare and Development (DSWD), health monitong at distribusyon ng mga medical supply sa pamamagitan ng Department of Health (DOH), at iba pang operasyon sa tulong ng iba’t-ibang ahensiya.
Kailangan din aniyang maging isahan lang ang paglilikas sa mga biktima, upang mapanatili ang maayos at epektibong evacuation process.
Kasunod nito ay inatasan ni Nepumuceno ang regional office nito sa Bicol Region na magbigay ng daily situation report ukol sa aktibidad ng bulkan at sitwasyon ng mga evacuees.
Ang ‘whole-of-government approach’ ay bilang tugon sa naunang kautusan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na pagsasagawa ng ‘coordinated disaster management strategy’ sa panahon ng mga kalamidad.
Kailangan din aniya ng maayos na koordinasyon at suporta ng mga lokal na pamahalaan upang maging epektibo ang naturang sistema.