Itinigil ng World Health Organization (WHO) ang rekomendasyon nito sa paggamit ng gamot na remdesivir bilang isa sa mga pinag-aaralang treatment laban sa COVID-19.
Batay sa pinakabagong report ng WHO, nakasaad na bumuo ng conditional recommendation ang ilang eksperto para huwag gamitin ng COVID-19 patients ang gamot.
Hanggang sa ngayon kasi ay wala raw matibay na ebidensyang napapabuti ng remdesivir ang lagay ng mga gumamit na pasyente. Gayundin na hindi daw nito nabawasan ang tsansa na mamatay ang mga nasa kritikal na kondisyon.
“WHO has issued a conditional recommendation against the use of remdesivir in hospitalized patients, regardless of disease severity, as there is currently no evidence that remdesivir improves survival and other outcomes in these patients.”
May 28 clinical care experts, apat na patient-partners at isang ethicist, o eksperto sa moralidad ng clinical trials na gumawa ng nasabing rekomendasyon.
“The guidelines were developed in collaboration with the non-profit Magic Evidence Ecosystem Foundation (MAGIC), which provided methodologic support. The guidelines are an innovation, matching scientific standards with the speed required to respond to an ongoing pandemic.”
Noong nakaraang buwan pa raw sinimulan ang pag-aaral sa epekto ng remdesivir matapos ilabas ng WHO ang interim results ng kanilang Solidarity Trial sa 7,000 katao.
Lumabas daw dito na walang importanteng epekto sa mortality ang remdesivir. Ibig sabihin, hindi napababa ng gamot ang tsansa na bawian ng buhay ang mga kritikal na pasyente.
“The evidence suggested no important effect on mortality, need for mechanical ventilation, time to clinical improvement, and other patient-important outcomes.”
Payo ng mga eksperto kailangan pa ng masusing pagsasaliksik para mapatunayang epektibo ang remdesivir kahit sa isang grupo ng mga pasyente.
“The guideline development group recognized that more research is needed, especially to provide higher certainty of evidence for specific groups of patients.”
Ayon sa Department of Health ng Pilipinas, ang WHO pa rin ang may kontrol kung ititigil ang clinical trial ng remdesivir dito sa bansa.
“Itong remdesivir is part of the WHO Solidarity Trial, so it is not the Philippine government nor the proponent of the study that will say if it’s going to stop or not,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Batay sa rekomendasyon ng mga ekspertong gumawa ng bagong guidelines, pwede pa rin ituloy ang enrollment ng mga participants sa trials ng remdesivir.
“Pero nagbigay din sila ng rekomendasyon na kung sino yung na-recruit na natin dito sa ating bansa o sa iba pang bansa ay pwede pang ituloy for us to be able to add more number of individuals that we can study and magkaroon ng certainty yung findings nila,” dagdag ng opisyal.
Bukod sa remdesivir, sinabi ng WHO na ikinokonsidera rin nilang i-evaluate para masali sa trials ang immunomodulators at anti-SARS COV-2 monoclonal antibodies.
Tuluyan na kasing ipinatigil ng institusyon ang clinical trial sa anti-malaria drug na hydroxychloroquine at HIV treatment drug na lopinavir at ritonavir.