-- Advertisements --

MANILA – Pinaalalahanan ng isang opisyal ng World Health Organization (WHO) ang mga bansang sumali sa COVAX Facility tungkol sa distribusyon ng mga matatanggap na libreng coronavirus vaccine.

Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, country representative ng WHO sa Pilipinas, dapat mga healthcare workers unang makatanggap ng bakuna mula sa inisyatibo.

“Priorities at this point time this year are to protect the most vulnerable,” ani Dr. Abeyasinghe sa isang media forum.

“That’s clearly the healthcare workers who continue to risk their lives in a daily basis to care for COVID infected patients.”

Nanawagan na raw ang WHO sa member states na siguruhing medical frontliners ang unang makakatanggap ng bakuna, para patuloy nilang malabanan ang pandemya.

Bukod sa sektor ng mga healthcare workers, dapat ding maging bahagi ng prayoridad sa distribusyon ng COVAX vaccines ang mga matatandang may sakit.

“Second level of prioritization is the people with comorbidities and elderly.”

Paliwanag ni Dr. Abeyasinghe, may mga ebidensya nang mas malaki ang tsansang mamatay sa coronavirus ang mga matatandang may iba pang karamdaman.

“The highest death threats are in the elderly, and the older you become the higher the death threat if you get infected with COVID.”

Ayon sa COVAX, makakatanggap ng bakuna ang Pilipinas para sa 15% ng populasyon nito.

Ang COVAX Facility ay isang inisyatibo sa pagitan ng WHO, at international organizations na GAVI at CEPI. Layunin nilang mamahagi ng coronavirus vaccine sa 20% ng populasyon ng mga sumaling bansa.

PH COVID 19 VACCINE PRIORITY LIST
IMAGE | COVID-19 vaccine priority list

Sa ilalim ng inilabas na Vaccine Deployment Plan ng pamahalaan, mga healthcare workers ang pinaka-una sa prayoridad ng pagbabakuna.

Sumunod ang hanay ng senior citizens, mga mahihirap at uniformed personnel.

Noong Disyembre inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na may mga personnel na ng Presidential Security Group ang naturukan ng bakunang gawa ng Sinopharm ng China.