Ibinunyag ng whistleblower ng Philhealth na mayroon itong natatanggap na banta sa buhay matapos ang kanyang expose sa kontrobersiyal na mga opisyal ng ahensiya na sangkot sa katiwalian.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Thorrson Montes Keith, sinabi nitong mula nang maging whistleblower ito laban sa mga opisyal ng Philhealth ay dito na siya nakatanggap ng mga banta sa buhay.
Dahil dito, nagpasaklolo na umano ang abogado sa Department of Justice (DoJ) para hilinging isailalim sa witness protection program (WPP) ng kagawaran.
Dagdag ni Keith, hindi niya alam kung saan galing ang mga banta lalo na’t marami siyang nasagasaang mga opisyal ng Philhealth mula sa regional office hanggang sa national office.
Ang whistleblower ay sinampahan kahapon ng dating Philhealth chief na si Ricardo Morales.
Personal na nagtungo sa Taguig Regional Trial Court (RTC) si Morales para sa nasabing reklamo dahil nakakaapekto umano sa kaniya at ng kanyang pamilya ang mga alegasyon nito.
Si Keith, dating PhilHealth Anti-Fraud Legal Officer, ay nagsiwalat na humigit-kumulang na P15 bilyong pondo ng ahensiya na umano’y ibinulsa ng mga “mafia” sa ahensiya.