Muling pinatunayan ng batang boksingerong si Weljon Mindoro ang kanyang lakas at husay matapos talunin si Omar Munguia sa pamamagitan ng isang matinding knowckout sa unang round ng kanilang non-title middleweight bout sa Boeing Center, Tech Port sa San Antonio, Texas noong Linggo.
Hindi man lang pinagpawisan si Mindoro matapos magpakawala ng dalawang matitinding body shots, na sinundan ng isang malinis na uppercut na tuluyang nagpabagsak sa Mexicanong si Munguia.
Maaalalang sa unang minuto ng laban ay nagtatansahan pa ang dalawa gamit ang kanilang mga jab, ngunit si Mindoro ang naging agresibo at naitulak ang kalaban sa sulok. Mula roon, unti-unti niyang binakbakan si Munguia sa katawan hanggang sa bumulusok ang killer uppercut na nagwakas sa laban.
Nabatid na natapos ang laban na may 1:29 minuto pang natitira sa unang round matapos makita ng referee na hirap tumayo si Munguia.
Magugunitang laki ng Dumingag, Zamboanga del Sur, si Mindoro kung saan nanatiling walang talo, 14-0, at lahat panalo sa knockout.
Habang si Munguia naman ay unang beses na natalo at na-knockout at bumaba ang record sa 8-1-1 (6 KOs).
Makikita ang paghahanda at precision ni Mindoro sa kanyang bawat suntok —dahilan kung bakit siya ngayon ay tinuturing na isa sa pinaka-promising knockout artists ng bansa.