Muling sasabak sa ibabaw ng ring ang undefeated Filipino boxer na si Weljon Mindoro sa Agosto 29, 2026, kung saan makakaharap niya ang beteranong Mexican boxer na si Carlos Ocampo sa Los Angeles, California.
Hawak ni Mindoro ang malinis na record na 17 panalo, isang tabla, at walang talo, kabilang ang 16 na panalo sa pamamagitan ng knockout.
Layunin niyang patibayin ang kanyang puwesto sa middleweight division sa non-title bout na ipapalabas nang live sa mainstream TV.
Sa kanyang huling laban noong Hunyo, tinalo ni Mindoro sa pamamagitan ng unanimous decision ang Mexican boxer na si Elias Espadas, na nagtapos sa kanyang 16 na sunod na knockout victories.
Habang si Ocampo ay may record na 38 panalo at apat na talo, kung saan 26 ang naipanalo niya sa knockout. Nakalaban na rin ng Mexican boxer ang ilan sa mga kilalang pangalan sa world boxing tulad nina Errol Spence Jr., Tim Tszyu, at Sebastian Fundora.
Si Mindoro ang kasalukuyang may hawak ng IBA Asian Middleweight title, na napanalunan niya noong 2024 matapos patumbahin si Australian boxer Joel Camilleri sa Dubai.












