Nananawagan na ng tulong sa pamahalaan ang audio-visual industry sa bansa sa gitna ng hindi pa rin natatapos na Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Apela ito ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) chair Liza Diño-Seguerra sa joint hearing ng Senate committees on finance and economic affairs ngayong araw.

Ayon sa 38-year-old beauty queen turned actress na si Dino, nanganganib ang tuluyang pagbagsak ng mga nasa ilalim ng kanilang sektor kabilang ang film, television, animation, gaming, live events, weddings, concerts, at clubs.

Katunayan ay nasa P100 billion na ang lugi nila sa unang limang buwan ng taong 2020 at lumobo na sa 865,000 empleyado nila ang nawalan ng trabaho.

Alam naman daw nito na hindi maituturing na “essential” ang mga entertainment-related businesses pero sana ay huwag naman silang makalimutan lalo’t sila ang naging sentro ng libangan ng taongbayan noong wala pang deadly virus.

Narito ang iba pang hinaing ng FDCP chief:

“We are the first to be canceled and we will be the last to recover because our industry constitutes mass gathering.”

“While the social distancing measures that the government put in place was the right call to protect us from the virus, inevitably thousands of our workers who are part of these social scenes are now unemployed.”

“Unfortunately, our industry fell into the cracks… We did not enjoy DOLE’s CAMP because hindi kami formal sector. We were not the priority in the SAP because hindi considered as vulnerable workers.”

Samantala, nangako naman ang mga senador na pag-aaralan kung anong tulong ang maaaring maibigay sa audio-visual industry.

Napag-alaman na nailaan na ng FDCP ang P20 million sa kanilang pondo bilang financial assistance sa mga freelancers.

Gayunman, kailangan pa rin aniya ang second wave ng cash aid.