Aminado ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na matatagalan ang rehabilitation sa water supply sa Catanduanes dahil ilan sa mga distribution lines ay napinsala noong manalasa ang Super Typhoon Rolly.
Ayon kay LWUA Administrator Jeci Lapus, kailanga muna nilang magsagawa ng survey sa mga nasirang distribution lines at inspeksyunin ang kalidad ng tubig sa ilang mga lugar na tsinalanta ng Bagyong Rolly.
Kailangan aniyang malaman kung ilang water sources ang puwede pang gamitin dahil kung hindi ay maghahanap na lamang sila ng iba para mapalitan ang kanilang pinagkukuhanan ng supply ng tubig.
Base sa mga reports na kanyang natanggap mula sa mga water districts sa Catanduanes, sinabi ni Lapus na nasa 8,000 bahay na napinsala ng Bagyong Rolly at hindi lahat sa mga ito ay may access ngayon sa tubig.