-- Advertisements --

Hindi sinunod ng Kamara ang wastong budget process, ayon kay Sen. Panfilo Lacson.

Sa isang panayam, pinuna ni Lacson ang binuong small committee ng Kamara, na siyang tumanggap sa amendments sa 2021 General Appropriations Bill matapos itong aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa.

Bagama’t iginigiit aniya ni House Appropriations Committee chairman Eric Yap na ang mga amiyenda sa budget bill ay hindi nanggaling mula sa mga kongresista mula sa iba’t ibang ahensya at kagawaran ng pamahalaan, paglabag pa rin ito sa budget process ayon ay Lacson.

Iginiit ng senador na ang mga ahensya na sa ilalim ng executive branch ay hindi pinapayagan na makibahagi sa authorization phase ng budget process.

Sakali man aniya na yung budget bill na ipapadala sa Senado ay maglalaman ng institutional amendments na ginawa pagkatapos ng third at final reading, sinabi ni Lacson na hindi maipagpalagay ang regularity dito.

Maari naman aniyang hindi ito iligal, pero ang ginawa aniya ng Kamara ay violation sa budget process.

Kamakailan lang ay inanunsyo ni House Committee on Appropriations senior vice chairman Joey Sarte Salceda na nagkakahalaga ng P20 billion ang institutional amendments na ipinasok ng Kamara.