Muling pinagmulta si Golden State Warriors forward Draymond Green dahil sa umano’y ‘inappropriate’ comment laban sa mga game official ng NBA.
Batay sa opisyal na record ng NBA, kinuwestyon umano ni Green ang integridad ng mga game officials noong Game 3 sa pagitan ng Warriors at Minnesota Timberwoles. Ang naturang laban ay sa ilalim ng semi-finals ng postseason.
Bagaman hindi na inilabas ng NBA ang eksaktong komento ni Green laban sa mga opisyal sa naturang game, pinagbabayad siya ng $50,000 dahil sa kaniyang naging asal.
Maaalalang dinomina ng Minnesota ang naturang laban at pinahiya ang Golden State sa sarili nitong homecourt, dahilan upang tuluyan nitong ibulsa ang 2-1 lead sa 7-game semis series ng dalawang koponan.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na statement ang kampo ni Green.
Samantala, matapos ang limang game ay tuluyan na ring na-eliminate ang Golden State Warriors sa postseason, matapos ipalasap ng karibal na Wolves ang gentleman’s sweep (4-1).
Sinamantala ng Wolves ang hindi paglalaro ni NBA superstar Stephen Curry upang dominahin ang serye.
Kung nagpatuloy pa rin ang playoff run ng Warriors dalawang technical foul na lang ay tuluyan na ring masususpinde si Green dahil sa limang tech na kaniyang natanggap sa mga naunang laban ng Golden State.