Nangangamba si House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman na posibleng epekto ng Anti-Terror Law o ng diskrminasyon sa mga Muslim ang tuloy-tuloy na pag-aresto sa mga ito sa Cavite at ilang bahagi ng Metro Manila.
Kaugnay nito ay nananawagan si Hataman sa Kamara na imbestigahan ang warrantless arrest sa mga Muslim at pagpaliwanagin ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ang National Capital Region Police Office (NCRPO) patungkol dito.
Partikular na tinukoy ni Hataman ang warrantless arrest sa 11 indibidwal sa loob ng isang construction site sa Bacoor, Cavite noong Pebrero 17, kung saan pito rito ay pawang mga Muslim.
Kung inaresto aniya ang mga indibidwal na ito, dapat ipaalam sa kinauukulan at kanilang pamilya hindi na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin mahanap ang mga ito.
“The NICA and NCRPO should clarify the arrests, produce the 11 individuals and inform their families of what happened. Madami sa mga ito ay taga-Basilan pa, sa lalawigan namin,” ani Hataman.
Base sa report na natanggap ng opisina ng kongresista, sinabi ng Bacoor police na ang operasyon ng NICA at NCRPO ay para berepikahin ang umano’y presensya ng Abu Sayyaf sa Yuxing Construction Site sa Barangay Mambog IV, Bacoor City.
Bukod sa insidenteng ito, sinabi ni Hataman na mayroon ding inaresto ang mga nagpapakilalang operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) na mga Muslim sa Manila at Taguig.
Iginiit ni Hataman na kailangan masilip kung nasusunod ba ang safeguards na itinatakda ng Anti-Terrorism Law.