-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Tinutulan ng municipal government at mismong mga residente ang panukalang batas na inihain ni Bangsamoro Parliament Member Ali Montaha Babao na hatiin ng dalawang munisipyo ang bayan ng Wao,Lanao del Sur.

Kasunod ito sa inilunsad na protesta na pinangunahan ni Wao Mayor Elvino Balicao Jr upang harangin ang proposed Parliament Bill number 271 na naglalayong kunin ang 11 barangay para kilalanin na bagong bayan na tawaging Pilintangan.

Sinabi ni Balicao na hindi man lang kinunsulta sa grupo ni Babao ang mga residente upang alamin ang saloobin patungkol sa usapin.

Iginiit ng alkalde na halos magsilbi na sana silang 1st class municipality subalit gusto namang guguluhin ang matiwasay nila na pamumuhay.

Dagdag ni Balicao na idudulog nila ang usapin na ito mismo sa national government partikular sa Malakanyang dahil iniiwasan lang nila na magkawatak-watak ang maayos ng samahan ng mga Kristiyano at mga kapatid na Muslim sa bahagi ng Mindanao.

Kabilang sa mga barangay na gustong maisama sa planong buuin na bagong munisipyo ay ang Balatin, Buntongan, Buot, East Kili Kili, Kadingilan, Mimbuaya,Muslim Village, Panang, Park Area,Pilintangan at Western Poblacion.