Mananatiling sarado ang walk-in office para sa referrals ng assistance-to-nationals (ATN) cases sa Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (DFA OUMWA) hanggang Abril 30.
Sa isang abiso, inihayag ng DFA ang pansamantalang suspensyon sa kanilang operasyon matapos ang pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region at mga probinsya ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.
Ang hakbang na ito ay ginawa para mabigyan ng pagkakataon ang ilang kawani ng ahensya na nagpositibo sa COVID-19 na mag-isolate at mag work-from-home, at para na rin maiwasan ng DFA ang panibagong wave ng COVID-19 infections.
Matatagpuan sa Roberts Street, DFA Main Building sa Pasay City ang walk-in office para sa referrals ng ATN cases sa DFA OUMWA.
Habang nakasara ang opisina, maaari pa ring ilapit ang mga ATN concers sa pamamagitan ng kanilang hotline na 0999 980 2515.
Layunin ng ATN office na tulungan ang mga Pilipino sa buong mundo na nahihirapan. Kasama na rito ang pagtulong sa paghahanda ng temporary travel documents, provision ng assistance sa social welfare at medical-related cases, criminal cases, immigration-related cases, paghahanap sa kinaroroonan ng mga nawawalang Pilipino sa ibang bansa at pag-agapay sa kanilang mga pamilya na maghain ng kaso sa korte.