Ilalabas na anumang oras mula ngayon ang Department Order ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa mainit na usapin sa pagbibigay ng 13th month pay ng mga manggagawa ngayong taon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Magugunitang lumutang ang mga balitang maaaring ipagpapaliban ang pagbibigay ng 13th month pay ngayong taon partikular ng mga itinuturing na “distress companies” o mga kompanyang nalugmok sa pandemya.
Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III, nabuo na nila ang Department Order matapos ang ginawang konsultasyon sa mga stakeholders kabilang na ang grupo ng mga employers at labor groups.
Ayon kay Sec. Bello, batay sa kanilang ilalabas na kautusan, walang pagpapaliban o deferment at walang exemption sa pagbibigay ng 13th month pay ngayong taon at alinsunod sa batas, bago o sa Disyembre 24.
Nakapaloob din daw sa ilalabas na Order ang dalawang opsyon para sa mga maliliit na negosyo at mga distressed companies para maibigay pa rin ang 13th month pay ng kanilang mga manggagawa.
Magsusumite raw ang DOLE ng panukala kay Finance Sec. Sonny Dominguez para i-subsidize ng gobyerno ang halagang pambayad sa 13th month pay ng mga distressed micro and small-medium enterprises (MSMEs).
Pwede rin daw bigyan ng opsyon ang mga distressed companies na makautang o makapag-avail ng loan facilities sa mga bangko para ipambayad sa 13th month pay ng kanilang manggagawa.
Magugunitang umalma ang mga grupo ng manggagawa sa nasabing pinalutang ng DOLE mula sa implementing rules and regulations ng batas sa 13th month pay dahil ito na lamang din daw ang inaasahan nilang gagastusin para kahit papaano ay sumaya ang pagdiriwang ng Pasko sa kabila ng pandemya.