-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Consulate General sa Amerika na si Consul General Elmer Cato na walang mga Pilipino na nadamay sa panibagong mass shooting sa bahagi ng Jefferson Avenue, Buffalo, New York.

Ayon kay Cato, tinatayang 540 Pilipino ang naninirahan sa Buffalo at sa nasabing mass shooting incident ay patay ang nasa 10 katao habang sugatan ang tatlo.

Ang suspek ay 18-anyos lamang na dumayo pa sa lugar para isagawa ang pamamaril partikular sa supermarket.

Pero tiniyak ni Buffalo Police Department Commissioner Joseph Gramaglia, nasa kustodiya na rin ng mga pulis ang suspek.

Ayon sa pulisya, iimbestigahan nila bilang isang “hate crime” at act of “racially motivated violent extremism” ang insidente.

Batay sa pahayag ng mga saksi, pumasok ang suspek sa supermarket na nakasuot ng military-type gear at body armor habang bitbit ang rifle.

Apat sa mga nasawi ay empleyado ng supermarket, kabilang na ang security guard na isang retiradong pulis.

Iniimbestigahan na ng Federal Bureau of Investigation at ng Bureau of Alcohol, Tobacco, Firearms and Explosive sa imbestigasyon upang malaman kung saan nakuha ng suspek ang kanyang baril at kung siya ba ay may kasabwat sa insidente.