Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang mga Pilipino ang nadamay mula sa insidente ng pagsabog sa Istanbul, Turkey na ikinasawi ng anim na katao at ikinasugat naman ng 81 indibidwal.
Sa isang statement, inihayag ng DFA na sa kabutihang palad ay walang natanggap na report ng nasugatan o nasawing Pilipino ang Embahada at Consulate General sa Turkey.
Sa kabila nito, patuloy ang kanilang pag-monitor sa sitwasyon sa lugar at nangakong magbibigay ng ulat sa ahensiya hinggil sa anumang development sa naturang insidente.
Nagpaabot naman ng pakikisimpatiya ang DFA sa mga pamilya na naiwan ng mga nasawi mula sa pagsabog.
Sa datos ng DFA, humigit kumulang sa 3,000 ang mga Pilipinong nasa Istanbul na pawang mga household service workers, nakapangasawa ng Turish nationals at nagtratrabaho sa foreign companies at bilang English teachers.