-- Advertisements --

Patuloy na pagsusumikapan ni
Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na tulungan ang gobyerno sa pagpapaunlad ng serbisyo publiko ngayong sumapit
na ang unang anibersaryo ng pagkakaluklok niya bilang senador ng republika.

Aminado siya na ang nagpapatuloy na Coronavirus disease 219 (COVID-19) pandemic ay nagbunsod kung gaano kahalaga ang mabilis at mabisang paghahatid ng kritikal na serbisyo ng pamahalaan para sugpuin ang pandemya.

“Sa loob ng ilang dekada kong pagseserbisyo kasama si Tatay Digong simula noong mayor pa lamang siya ng Davao, nakita ko kung gaano kaimportante ang mabilis na paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipino. Kailangan po ng mabilis na aksyon. Kaya naman nang ako ay mahalal bilang Senador, isa sa mga pangunahing layunin ko ang masiguro na mabigyan ang ating mga kababayan ng mabilis, maayos, at maaasahang serbisyo na may tunay na malasakit. Pangako ko ito sa kanila dahil alam ko kung gaano kahirap minsan ang kahit humingi lang ng konting tulong sa gobyerno,” wika ng senador.

Matatandaang noong nagtatrabaho pa sa Davao City hall si Go at President Rodrigo Duterte ay inaasistehan nila ang samut’saring mga tao na pumipila sa City Mayor’s office para humingi ng medical at financial assistance.

Karamihan sa mga ito ay hindi residente ng lungsod. bagay inaalala ng Commission on Audit.

“Bong, kailangan mahanapan mo ito ng paraan. Mga Pilipino din ‘yan sila kahit hindi taga Davao,” saad daw ng noo’y alkalde pa lamang na si Duterte.

Kaya naman sa pagsisimula pa lamang ng 18th Congress noong July 2019 ay kaagad na inihain ni Go ang kanyang unang panukalang batas o Ang Malasakit Centers Act of 2019 na nilagdaan para maging ganap na batas noong December ng nakaraang taon.

Layon ng panukala na mapadali ang pagkakaloob ng gobyerno ng medical at financial assistance sa Filipinos.

Sa kasalukuyan ay mayroong 74 Malasakit Centers sa buong bansa.

At bilang pag kilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng overseas Filipino workers sa ekonomiya ng bansa at nation-building, inihain din ni Go ang Senate Bill 202 o ang Department of Overseas Filipinos Act of 2019 para mapadali ang serbisyo sa OFWs sa pamamagitan ng pagtatatag ng central authority na tututok sa lahat ng OFW-related matters and concerns.

Naghain din siya ng SB 1228 na ang mandato ay magtatag ng evacuation centers sa mga lalawigan, Siyudad, at mga munisipalidad sa buong bansa.

Samantala, ang mandato naman ng SB 1259 o ang “Mandatory Quarantine Facilities Act of 2020” ay para magtatag ng quarantine facilities sa bawat rehiyon sa bansa na malapit sa Department of Health (DoH) hospital at madaling puntahan para sa kaligtasan ng komunidad.

Mabilis din itong makatutugon sa pandemya tulad ng COVID-19 at iba pang nakahahawang sakit.

Naghain din si Go ng SB 399 na magtatag ng drug abuse treatment and rehabilitation center sa kada probinsiya sa bansa sa ilalim ng pangangasiwa ng DoH bilang suporta sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Kabilang pa sa mga panukalang batas na inihain ni Go ay ang SB 1226 o ang proposed DoH Hospital Bed Capacity and Service Capability Rationalization Act; SB 205 o Department of Disaster Resilience Act; SB 204 o Fire Protection Modernization Act of 2019.

Ilan pa sa mga panukala na inakda ni Go na nakatakda nang isalang sa committee hearing ay ang SB 1528 na naglalayong amiyendahan ang Republic Act 11332 o kilala bilang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.”

Layon ng panukala na mapaunlad ang government response at mapaghusay ang disease surveillance and control sa bansa upang magkaroon ng kapabilidad ang gobyerno sa pagsasagawa ng mas malawak na testing at intensive contact tracing sa panahon ng pandemya.

Nais din ng senador na mapadali ang access ng local government units (LGUs) sa pondo para sa pagpapaunlad ng kanilang public education system.

Dahil dito ay inihain niya ang SB 396 na magpapalawig sa aplikasyon para sa Special Education Fund. Suporta ito sa local public schools para sa “blended learning” sa gitna ng coronavirus disease 2019 COVID-19 pandemic.

Nais din ng senador na dagdagan pa ng tatlong dibisyon ang Court of Appeals (CA) upang mapabilis ang pag-usad ng mga kaso dahilan para ihain niya ang SB 1252.

Ang SB 1254 ay naglalayon namang magtatag ng dagdag na National Labor Relations Commission na makabubuti para sa administration at implementation ng labor laws and regulations.

“Mula noon hanggang ngayon, hangarin po namin ni Pangulong Duterte na gawing mas mabilis, maayos, at maaasahan ang pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan. Sabi nga niya palagi: ‘let us provide Filipinos a comfortable life for all,” ani Go.