Nilinaw ngayon ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na walang outbreak ng COVID-19 sa Kamara kahit pa 98 katao ang nagpositibo sa naturang sakit sa kanilang isinagawang mass testing.
Ayon kay Mendoza, ang 98 cases na ito ay limang porsiyento lamang ng halos 2,000 indibidwal na sumailalim sa swab test.
“Hindi natin pwede i-consider na outbreak kasi 5% lang at mild lang ang cases natin dito sa House,” ani Mendoza.
Nabatid na Nobyembre 10 nang nagsagawa ng mass COVID-19 testing ang Kamara pa sa kanilang mga miyembro at empleyado, kung saan 98 katao nga ang nagpositibo sa naturang sakit.
Bago rito, kabuuang 93 COVID-19 cases na ang naunang napaulat sa Kamara, na natukoy naman sa isinagawang symptom-based testing.
Pero ayon kay Mendoza, deemed cleared at recovered na ang mga kaso bago pa man nagsagawa ng mass testing, maliban na lamang sa tatlong empleyado at dalawang kongresista na binawian ng buhay dahil sa naturang sakit.