Walang narekober na CCTV footage sa mismong posisyon ng mga tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) at Philippine Marines kaugnay ng shooting incident sa Senado noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13.
Ito ang inihayag ni OSAA Chief at Retired Major General Mao Aplasca nang tanungin ukol sa mga ebidensyang posibleng magagamit sa pormal na imbestigasyon.
Ayon kay Aplasca, tanging ang posisyon ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at ang “dulo ng tactical personnel” ng Senado ang nahagip sa kanilang pagrereview ng mga CCTV.
Pinabulaanan din ni Aplasca ang mga ulat hinggil sa kumakalat na video kung saan maririnig diumano si Senador Jinggoy Estrada na nag-uutos na itago ang CCTV footage.
Binigyang-diin niyang hindi niya narinig ang pahayag na ito at hindi niya alam ang tinutukoy ng senador.
Samantala, kinumpirma ni Aplasca na siya ang unang nagpakawala ng warning shot bilang bahagi ng kanilang “rules of engagement.” Paliwanag niya, ginagawa ito kapag nanganganib ang buhay ng kanilang mga tauhan upang mapilitang umatras ang kabilang panig.
Kwento ni Aplasca, nakita nilang armado ng mahahabang baril ang mga indibidwal kaya nagpatupad sila ng verbal challenge. Inutusan silang magpakilala at ibaba ang armas, subalit dahil sa agresibong porma at banta ng kabilang panig, napilitan siyang magpaputok, na siyang naging mitsa ng palitan ng putukan.
Nilinaw naman ni Aplasca na wala silang intensyong tamaan ang mga ito dahil nagpakilala ang kabilang panig bilang mga ahente ng NBI.
Kinumpirma naman ng mga opisyal na walang naitalang casualties sa naturang insidente at ligas din ang lahat ng media personnel, mga empleyado ng Senado at mga Senador na nasa gusali nang mangyari ang shooting incident.
















