Muling binigyan diin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maaring igiit ng Pilipinas sa China ang karapatan nito sa West Philippine Sea dahil maituturing ito na giyera na hindi kayang ipanalo ng bansa.
“I cannot fight China. It would be a war which I can never win […] I do not have the might,” saad ni Duterte sa kanyang naging talumpati sa harap ng Filipino community sa Russia.
“We are not ready to go to war. We cannot afford it and we will not win it. And why would I sacrifice the lives?” dagdag pa nito.
Sinabi ni Duterte na ang China ay mayroong missile na kayang makarating sa Manila sa loob lamang ng pitong minuto kaya kalokohan aniya na makipag giyera kontra dito.
Magugunita na Hulyo 2016 nang manalo ang Pilipinas kontra China sa Permanent Court of Arbitration, na nagpapawalangsaysay sa excessive claims ng Beijing sa halos kabuuan ng South China Sea, kabilang na ang tinatawag ng Pilipinas na West Philippine Sea.
Pero ayon sa Malacanang, “unenforceable” ang panalo na ito ng Pilipinas.
Samantala, pinasaringan naman ni Duterte ang Estados Unidos matapos sabihin na hindi naman daw talaga tutulong ang huli sa Pilipinas kapag nagkaroon ng giyera kontra China.
“Kinukulit ako pati itong Amerikano. Diyan ako asar. E, gusto nila pumunta ako doon to assert, sabi ko, ‘alam mo, ‘pag ginawa ko ‘yan, giyera ‘yan.’ […] One of these days, if it poses danger, sabihin ko talaga sila na ‘umalis kayo.’ You keep on egging me to find trouble as if when there is trouble, pupunta ba kayo sa amin? Are you willing to declare war against China?” ani Duterte.