-- Advertisements --

MANILA – Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na wala pang ebidensya na nakapagdudulot ng stroke at impeksyon sa coronavirus ang COVID-19 vaccine ng Sinovac.

“Walang scientific basis to say that our vaccine can increase the cases of COVID-19 in any locality,” ani FDA director general Eric Domingo.

Bagamat aminado ang opisyal na gawa sa “inactivated” o pinahinang version ng virus ang bakuna ng Sinovac, walang batayan para masabing ito ang nagdulot ng impeksyon ng mga nabakunahan.

“Ito ay inactivated virus at hindi siya nakaka-cause ng COVID-19.”

Paliwanag ng opisyal, binabantayan ng mga regional at National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC) ang naitatalang side effect at ano pang insidente matapos maturukan ng bakuna ang isang tao.

Posible rin daw na tamaan pa rin ng sakit ang indibidwal kahit siya pa ay maturukan ng bakuna.

“Kapag sinabi kasing adverse event, hindi natin pinipili yung event. Lahat ng nangyari within the first 30 days of vaccination nire-report yan. Tapos iimbetigahan ng NAEFIC whether related or hindi.”

“Maaari naman ang tao whether mabakunahan o hindi ay pwede ma-stroke… I mean stroke and heart disease ang number one and two cause of death sa Pilipinas. Kapag yan ay nangyari within 30 days na nabakunahan ka ire-report yan, kasama sa adverse event reporting natin.”

Ang reaksyon ng FDA ay kasunod ng mga ulat na marami pa rin mula sa ilang nabakunahan ng Sinovac ang tinamaan ng COVID-19.

Mayroon din umanong na-stroke ilang araw matapos maturukan ng Chinese vaccine.

“Itong sinasabing naka-post sa Facebook, naka-schedule na yung RAEFIC para magkaroon ng pagme-meeting sa nangyaring ito on April 15.”