-- Advertisements --

Ikinwestyon ni Manila Rep. Joel Chua ang kawalan ng kahit sinumang miyembro ng pamilyang Duterte sa Kamara na dumalo o dumipensa kay Vice President Sara Duterte sa mga impeachment hearings.

Ayon kay Chua, sa kabila ng presensya ng tatlong Duterte sa House of Representatives, wala ni isa sa kanila ang humarap sa Committee on Justice upang ipagtanggol ang Bise Presidente sa gitna ng mga paratang laban sa kanya.

Tinugon din niya ang alegasyon ni Davao City Rep. Paolo Duterte na may suhulan umano sa mga mambabatas para paboran ang impeachment, at sinabing puro “tsismis” lamang ito at walang ebidensya.

Giit ni Chua, hindi makatuwirang bumoto ng hindi ang mga miyembro ng komite dahil walang naipakitang ebidensya ang kampo ni VP Sara upang kontrahin ang mga akusasyon sa kanya.

Inaasahang isusumite ng House Justice Committee ang report nito sa plenaryo sa susunod na linggo, na magrerekomenda ng paglipat ng Articles of Impeachment sa Senado para sa paglilitis. (report by Bombo Jai)