-- Advertisements --

Walang nakikitang dahilan si House Committee on Legislative Franchises Franz Alvarez para ihinto ang ABS-CBN ang operasyon nito kahit na paso na ang kanilang prangkisa ngayong araw, Mayo 4.

Tinukoy ni Alvarez ang kapangyarihan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagbibigay o pagbawi ng broadcast franchises sa paggiit nito na maari pa ring mag-operate ang ABS-CBN habang tinatalakay ng Kongreso ang franchise renewal application ng kompanya.

Sinabi ni Alvarez na sinimulan na ng kanyang komite ang deliberasyon sa franchise renewal application ng ABS-CBN matapos na ipag-utos sa magkakaibang panig na magsimite ng kanilang position papers.

“Consistent with precedents, the Committee enjoined the National Telecommunications Commission to allow ABS-CBN to operate until such time that the House of Representatives makes a decision on its application,” ani Alvarez.

“This will give Congress sufficient time to assess the qualifications of the applicant and make a complete review of the positions of the different stakeholders,” dagdag pa nito.

Nauna nang nagpadala ng liham sa NTC sina Alvarez at Speaker Alan Peter Cayetano sa para himukin ito na bigyan ng provisional authority to operate ang ABS-CBN simula Mayo 4, 2020 hanggang sa makapaglabas ng desisyon ang Kamara o ang Kongreso sa franchise application ng naturang media giant.

Mababatid na Marso 10 nang sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba sa mga miyembro ng Kamara na susunod sila sa anuman ang magiging payo ng Department of Justice hinggil sa naturang usapin.

Subalit kahapon, sinabi ni Solicitor General Jose Calida na maaring maharap sa kaso ang sinumang NTC commissioner na magbibigay ng provisional authority to operate sa ABS-CBN kung hindi pa ito nabibigyan ng Kongreso ng kaukulang prangkisa.