Magpapatuloy pa sa kanyang pamumuno sa Philippine National Police (PNP) si officer-in-charge (OIC) Pol/Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa.
Ito’y matapos aminin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang press conference kagabi na wala pa rin siyang napipiling permanenteng PNP chief.
Ayon kay PNP spokesperson Pol. B/Gen. Bernard Banac, hindi rin rin tinalakay ang usapin sa susunod na PNP chief sa isinagawang Joint Command Conference ng Armed Forces of the Philippines at PNP gayundin ng National Task Force ELCAC o End Local Communist Armed Conflict sa Malacañan noong Lunes.
Una nang sinabi ni Banac na umaasa sila na sa linggong ito ay ihahayag ng Pangulo ang bagong pinuno ng PNP, bagama’t wala namang problema kung wala pang napili.
Patuloy lang aniya ang normal na operasyon ng PNP sa pamamahala ni Gamboa hanggang sa italaga ang bagong PNP chief.
Pero sinabi ni Banac na mahalagang magkaroon ng permanenteng PNP chief sa pagsisimula ng 2020, upang hindi na mabinbin ang mga kontratang papasukin ng pambansang pulisya na kailangan ang lagda ng PNP chief.
Sa kabila nito, nakahanda ang PNP na maghintay kung kailan papangalanan ng Pangulo ang permanenteng PNP chief.
“Inaasahan natin na may pangangailangan pagpasok ng Enero 2020 ng permanent chief PNP. Subalit kung hindi pa gagawin ng pangulo, wala namang magiging problema. Mahaba naman ang taon na pwedeng isagawa ang procurement. Wala tayong nakikita pa na problema,” dagdag pa ni Banac.