Ilang miyembro ng Party-list Coalition, iginiit na wala pa silang napipiling manok sa speakership race
Nilinaw ngayon ng ilang miyembro ng party-list coalition na wala pa silang napipiling manok sa speakership race sa Kamara.
Una rito ay lumutang ang isang manifesto of support para kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, kung saan kabilang sa mga lumagda ay si Party-list Coalition President Michael Romero.
Binigyan diin ni Anak-Kalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na hindi pa sila nagkakaroon ng botohan sa kung sino ang kanilang susuportahang speaker-aspirant.
Hihintayin pa raw kasi nila ang magiging announcement ni Pangulong Rodrigo Duterte sa June 28 kung sino ang magiging manok nito para maging lider ng Kamara sa 18th Congress.
Sinabi ni Defensor na marami sa kanila ang nadismaya nang palabasin ni Romero na collective decision ng party-list coalition ang paglalagda nito sa naturang manifesto.
Kung pumirma man aniya rito si Romero, iginiit ni Defensor na ito ay individual preference lamang.
Ganito rin ang naging sentimiyento naman ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin.
Mamayang gabi, nakatakdang magpulong ang party-list coalition upang talakayin ang lumabas na manifesto.
Samantala, sinabi naman ni Albay Rep. Joey Salceda na walang nangyaring konsultasyon sa mga miyembro ng PDP-Laban bago i-endorso si Velasco bilang susunod na lider ng Kamara.
Dapat nagkaroon aniya muna ng konsultasyon ukol dito at hindi lamang ang kanilang mga lider.