iniyak ngayon ng mga mambabatas na hindi lamang sa National Capital Region (NCR) magkakaroon ng wage increase sa mga susunod na buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay House Committee on Labor and Employment Chairman Rep. Eric Pineda, sinabi nitong matapos ihirit ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na magkaroon ng wage increase sa NCR ay agad silang nagpatawag ng pagdinig sa Kongreso.
Sinabi ni Pineda na sa isinagawa nilang hearing ay nadismaya ang mga kongresista sa kabagalan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) sa pag-aaral ng nararapat na taas-sahod ng mga manggagawa.
Sa pagdinig ng House Committee on Labor and Employment, nakarinig daw ng sermon ang NWPC dahil sa hindi pagiging proactive.
Ipinunto raw ni Pineda, pwede naman palang motu propio ang pagtataas ng sahod pero naghihintay pa ang mga ito na mayroong magpetisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines sa TUCP sinabi nitong 2018 pa huling nagkaroon ng wage increase at ngayon pa lamang ulit kumikilos kung kailan sobrang-taas na ng mga bilihin at serbisyo.
Kaya naman sinabi ni Pineda, kung ginagawa lamang ng NWPC ang kanilang trabaho hindi na dapat sila inuutusan ni Labor Sec. Silvestre Bello at hindi na rin kailangang ipatawag sa hearing ng Kamara.
Nagbanta si Pineda na pwedeng buwagin na lang ang NWPC kung wala ring silbi at bumuo na lang ulit ng ibang lupon.
Kasabay nito, tiniyak din ni Pineda sa ating mga kababayan na nandiyan ang ating pamahalaan para sumuporta sa kapakanan ng ating mga manggagawa.