-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Pinawi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pangamba ng publiko na baka nakapasok na sa Aklan ang misteryosong sakit mula sa China.

Ito’y kasunod ng pagdating ng tatlong Chinese national na pinaniniwalaang may N-Coronavirus na dumaan sa Kalibo International Airport.

Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni CAAP-Aklan manager Engr. Eusebio Monserate Jr., walang dapat na ikatakot ang mga mamamayan dahil bago bumaba sa eroplano ang mga pasahero sa international flight ay isinasailalim ang mga ito sa thermal scanner ng Bureau of Quarantine bilang “daily and usual routine” ng ahensya.

Ang tatlong turista aniya ay hindi mula sa Wuhan, China, na may outbreak ng nasabing sakit kundi sa ibang probinsya ng bansa.

Mahigpit umano ang pagbabantay sa paliparan at maging sa Caticlan Airport kaya walang dapat na ipangamba ang mga tao kahit pa ang tatlong dayuhan ay kasalukuyang nagbabakasyon sa Boracay.

Nabatid na dinomina ng mga bakasyunista mula sa China ang tourist arrival sa sikat na isla noong nakaraang taon matapos makapagtala ang Malay Municipal Tourism Office ng 434,175.