Pinayuhan ni Sen. Imee Marcos ang gobyerno na huwag lamang tumutok sa bansang Iran at Iraq ang contingency plans para mailikas ang mga Pinoy sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Ginawa ni Marcos ang pahayag kasabay ng banta ng Iran na gagantihan nito ang Amerika at mga kaalyado nitong bansa sa Middle East bunsod ng pagkakapatay sa top military leader nito na si Qasem Soleimani sa isinagawang US air strike noong Biyernes sa Baghdad, Iraq.

Ayon sa senadora, hindi dapat na nakatuon lamang ang gobyerno sa Iran at Iraq, kung saan dapat na bigyan ng pansin ang magiging kaligtasan ng milyong OFWs sa buong Middle East.

Base sa record ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2018, mahigit kalahati ng bilang ng mga manggagawa sa buong mundo ay nakabase sa Arab countries at mayorya nito ay nasa Saudi Arabia na may 500,000; habang nasa 300,000 naman ang nasa United Arab Emirates at tig-100,000 naman sa Kuwait at Qatar.

Nasa 30,000 Pinoy workers naman ang nasa Israel, habang tig-10,000 lamang ang nasa Iraq at Iran.

-- Advertisement --

Nangangamba si Marcos dahil nakaamba ngayon ang retaliatory attacks sa mga lugar kung saan naroroon at malakas ang pwersa ng Estados Unidos at ang masaklap nito, naroroon din sa mga bansang iyon ang libo-libo nating OFWs.

Ayon sa datos ng International Crisis Group at ng Federation of American Scientists, tinatayang nasa tig-13,000 US troops ang nasa Kuwait at Qatar habang 6,000 sa Iraq, 5,000 sa UAE at 3,000 sa Saudi Arabia.