Wala pang natatanggap si Vice President Sara Duterte na kahit anong dokumentong nagsasabing siya ay kalahok sa imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC hinggil sa madugong war on drugs noong administrasyon ng kanyang ama.
Ngunit nakahanda naman daw ang kanyang mga abugado na gumawa ng hakbang sakaling masangkot siya sa imbestigasyon ng ICC.
Ang pahayag na ito ni VP Sara Duterte ay kaugnay ng sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes na malapit ng maglabas ng warrant of arrest ang ICC kay dating pangulong Rodrigo Duterte at iba pang sangkot sa extra-judicial killing.
Ibinunyag din ni VP Sara Duterte na hindi pa nila napag-uusapan ng kanyang ama ang tungkol sa ICC pero aniya’y alam naman daw nito ang gagawin dahil isa umano itong abogado.
Balak kasing imbestigahan ng International Criminal Court ang mga nangyaring patayan sa bansa mula November 2011 hanggang March 2019 kabilang na ang Davao Death Squad noong mayor pa lamang si dating pangulong Rodrigo Duterte.