-- Advertisements --

Sa pambihirang pagkakataon, hayagang tinutulan ni Vice President Sara Duterte ang paggawad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng amnestiya sa mga rebeldeng grupo.

Tinawag din ni VP Sara ang peace talks ng pamahalaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Oslo na isang kasunduan sa demonyo.

Ginawa ng Bise Preaidente ang pahayag kasabay ng ika-5 anibersaryo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Ikinatwiran ni VP Sara na sa nakalipas na karanasan, nagpapakita na hindi sinsero ang NDFP pagdating sa kapayapaan at tatraydurin lamang ng mga rebelde ang pamahalaan at ang publiko.

Ibinahagi din ni VP Sara na kaniyang personal na nasaksihan ang isang biktimang nag-aagaw buhay dahil sa pagsabog na kagagawan ng NPA sa Mandug, Davao city noong 2017.

Gayundin ang hindi mabilang na biktimang sibilyan dulot ng mga digmaan kabilang ang mga menor de edad at mga batang estudyante na hindi nakapagtapos at dinala sa kabundukan upang maging armadong terorista.

Kaugnay nito, nanawagan si VP Sara kay Pangulong Marcos na muling pag-aralan ang paggawad ng amnestiya sa mga dating komunistang rebelde.