Hindi dumalo si Vice President Sara Duterte sa ikatlong araw ng pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng mga reklamong impeachment laban sa kanya nitong Miyerkules, Abril 22.
Sa simula ng pagdinig, tinawag ng komite ang pangalan ng bise presidente upang kumpirmahin ang kanyang pagdalo, ngunit kalaunan ay inanunsyo ng kalihim ng komite na siya ay hindi present.
Ayon kay House Committee on Justice Chairperson at Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro, nabigyan si Duterte ng pagkakataong dumalo, magsumite ng ebidensya, at magbigay ng mga paglilinaw kaugnay ng mga alegasyon laban sa kanya.
Ang Abril 22 ang ikatlong araw ng pagdinig ng komite sa mga reklamong inihain, bilang bahagi ng proseso upang matukoy kung may sapat na basehan ang mga ito para umusad sa susunod na proseso.
Kabilang sa mga alegasyong tinatalakay sa impeachment complaints ang umano’y maling paggamit ng daan-daang milyong pisong confidential funds mula sa Office of the Vice President at Department of Education noong siya pa ang kalihim nito.
Mayroon ding mga paratang na umano’y nagplano si Duterte na ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House speaker Martin Romualdez, gayundin ang umano’y pakikipagsabwatan upang pabagsakin ang pamahalaan.
Matatandaang, sinabi ni Luistro na ang hindi pagdalo ni VP Sara sa impeachment hearing ay maaaring magpabilis ng pag-usad ng kanyang kaso sa Senado.
“If their position is not to participate, then that is tantamount to saying na mata-transmit talaga ito sa (that it will really be transmitted to) Senate because unrebutted ang (are the) evidence ng (of the) complainant,” pahayag ng Kongresista sa isang panayam noong Marso 19, 2026.
















