Nagpaabot ng mensahe si Vice President Sara Duterte para sa pagdiriwang ng Father’s Day ngayong Linggo, kung saan binigyang-diin niya na ang pagiging ama ay hindi lamang nasusukat sa pagkakaroon ng pamilya kundi ang kanilang dedikasyon at sakripisyong iniaalay para sa bayan.
Nagpasalamat din ang Bise Presidente sa mga frontliner, kawani ng Office of the Vice President (OVP), at mga miyembro ng security team na patuloy umanong nagseserbisyo para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Partikular din niyang kinilala ang mga ama na nagtatrabaho sa OVP, lalo na ang mga tumutulong sa disaster response at iba pang programa ng tanggapan.
Sa kanyang mensahe, binanggit din ni VP Sara ang mga hamong kinakaharap ng kanyang opisina, kabilang ang impeachment case na kasalukuyang dinidinig sa Senado.
Ayon kay Duterte, sa kabila ng mga aniya’y pag-atake laban sa kanyang pagkatao, patuloy pa rin umanong nagtatrabaho nang may propesyonal ang kanyang mga tauhan.
Nagpasalamat din siya sa mga security at support personnel na araw-araw na nagbabantay upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng kanilang operasyon.
Dagdag pa niya, may mga miyembro ng kanilang hanay na hindi nakakasama ang kanilang pamilya sa mga espesyal na okasyon tulad ng Father’s Day dahil sa kanilang tungkulin.
















