-- Advertisements --

Inanunsyo ni Vice President Sara Duterte na sa kaniyang hometown sa Davao city muna ito mag-oopisina bilang caretaker ng pamahalaan habang nasa Japan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para dumalo sa Association of Southeast Asian Nations-Japan (ASEAN-Japan) commemorative summit mula Disyembre 15 hanggang 18.

Sa inilabas na statement ni VP Sara ngayong araw, sinabi nito na kanyang gagampanan ang kanyang tungkulin at mamamahala bilang Chairperson ng Executive Committee meetings sa Davao city.

Aniya, mag-oopisina ito sa Department of Education National Educators’ Academy of the Philippines at Office of the Vice President Satellite Office sa Davao.

Ginawa ni VP Sara ang pahayag kasunod ng hindi pagdalo nito sa pre-departure event ni Pangulong Marcos nitong Biyernes para sa naturang regional summit.

Ito naman ang kauna-unahang pagkakataon na hindi kasama sa send-off ni PBBM para sa isang official trip si VP Sara at nagbunsod ng mga spekulasyon ng umano’y pagkakawatak ng UniTeam tandem sa pagitan ng 2 mataas na opisyal ng bansa.

Matatandaan, lumipad patungong Tokyo,Japan si PBBM nitong Biyernes at babalik sa bansa sa araw ng Lunes.

Sa naging departure message ni PBBM, kanyang sinabi na ang naturang biyahe ng pangulo sa Japan ay pagkakataon para i-promote ang interes ng bansa at ipakita ang posisyon ng ating bansa sa iba’t ibang mga pandaigdigang isyu.