Hindi magsusuot ng Filipiniana dress si Vice President at Education Sec. Sara Duterte sa kaniyang pagdalo sa unang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes.
Ayon kay Atty. Reynold Munsayac, tagapagsalita ng pangalawang pangulo, sa halip ay isusuot nito ang tradisyunal na damit na gawa ng tribung Bagobo Tagbawa ng Davao City.
Gayunman, sinabi ni Munsayac na hindi na aabutin ng SONA kung magpapagawa pa ang pangalawang pangulo ng nasabing kasuotan lalo’t aabutin aniya ng buwan bago ito magawa.
Kaya naman minabuti ni VP Sara na manghiram na lang ng katutubong kasuotan sa Deputy Mayor ng tribung Tagbawa na si Bae Sheirelle Anino.
Ginawa ng pangalawang pangulo ang nabanggit na hakbang bilang pagbibigay pugay nito sa naturang tribu na itinuturing na pangkat etniko ng kaniyang sinilangang.