Naghain ng not guilty plea ang dating mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) sa kasong graft sa Sandiganbayan Fifth Division ngayong araw ng Huwebes, Agosto 14.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y maanomaliyang pagbili ng gobyerno ng P4.4 bilyong halaga ng overpriced personal protective equipment (PPE) at surgical masks mula sa Pharmally Pharmaceutical Corp. noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Magkasama sina dating Procurement Service-DBM (PS-DBM) OIC USec. Lloyd Christopher Lao at dating PS-DBM OIC-Director of the Administrative and Finance Group Arnold Dupla na dumating at naghain ng not guilty plea sa anti-graft court.
Kapwa iginiit nila Lao at Dupla ang pag-waive ng kanilang karapatan na basahan ng sakdal sa ibinabatong alegasyon sa kanila sa kasong graft.
Dumalo din sa arraignment sina dating Overall Deputy Ombudsman Warren Liong, dating DBM officials Allan Catalan, Dickson Panti, Gerelyn Vergara, Pharmally executives Mohit Dargani at Linconn Ong.
Ayon sa Fifth Division Clerk’s Office, hindi pa nagpasok ang mga ito ng kanilang plea dahil sa nakabinbing motions to quash sa kasong graft.
Nananatili namang at large ang iba pang akusado na mga opisyal ng Pharmally na sina Twinkle Dargani, Huang Tzu Yen, Justine Garado, Krizle Mago, at Lin Weixiong.