Nilinaw ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte kung bakit kailangan ng Department of Education (DepEd) ng P150-million confidential fund sa ilalim ng 2024 national budget.
Ito ay dahil aniya ang edukasyon ay kaakibat ng pambansang seguridad.
Ayon kay Duterte, napakahalaga na hinuhubog ang mga bata na makabayan, mga batang magmamahal sa bayan, at magtatanggol sa ating bayan.
Ngunit tungkol sa pag-apruba nito, iginiit ni Duterte na ito ay nasa pagpapasya ng Kongreso.
Ipinakita ng iminungkahing 2024 National Expenditure Program (NEP) ng Department of Budget and Management (DBM) na humiling ang DepEd ng P150 milyon cconfidential fund para sa pambansang budget sa susunod na taon.
Ang halagang ito ay bahagi ng P9.2-billion confidential fund para sa 2024 na kung saan P4.5 billion para sa Office of the President (OP), P500 million para sa Office of the Vice President (OVP), at P1.7 billion para sa Department of National Defense (DND).
Gayunpaman, sinabi ni Duterte na hindi niya matalakay ang breakdown ng mga pondo, at tiniyak lamang na ito ay nakadetalye na sa isang joint memorandum circular.
Ang P150 milyon na confidential fund ng DepEd ay bahagi ng napakalaking P758.6 bilyon na maaaring matanggap ng ahensya kung maaprubahan ang panukalang 2024 National Expenditure program.