Nanindigan si Justice Secretary Menardo Guevarra na walang immunity sa anumang kaso ang nakaupong bise presidente.
Inihalimbawa rito ni Guevarra ang naging pahayag niya noong 2019 kung saan nakasaad na hindi immune si Vice President Leni Robredo sa anumang mga kaso base na rin sa nakasaad sa 1987 Constitution.
Magugunita na noong taon na iyon si Robredo ay inireklamo dahil sa umano’y papel nito sa sinasabing ouster plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero ang reklamo laban kay Robredo ay ibinasura rin naman ng Department of Justice noong nakaraang taon dahil sa kulang ang ebidensya laban sa bise presidente.
Nilinaw naman ni Guevarra na ang statement niyang ito ay hindi sagot sa naging pahayag naman ni Pangulong Rodrigo Duterte noong sabado kung saan sinabi niya na tatakbo siya sa pagka-bise presidente sa halalan sa 2022 para makaiwas sa anumang criminal prosecution sa oras na bumaba siya sa puwesto.