LEGAZPI CITY – Isinusulong sa ngayon sa Kamara na mapalawig pa ng isang buwan ang voter’s registration ng COMELEC na nakatakda ng magtapos sa Setyembre 30.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na nagsulong ng House Resolution 2128, sinabi nito na marapat lamang umanong palawigin pa hanggang sa Oktubre 31 ang pagpaparehistro dahil na rin sa mga restrictions na ipinatupad sa ilang bahagi ng bansa na nasa ilalim pa rin ng Enhanced Comunity Quarantine.
Dahil umano sa ECQ nagsara ang mga opisina ng COMELEC habang hindi naman makalabas ang mga residente upang makapagparehistro.
Tinatayang nasa 13 milyong Pilipino ang hindi pa nakakapagparehistro sa COMELEC maliban pa sa 6.3 milyon naman na deliquent voters o hindi na nakaboto ng dalawang beses kung kaya’t tanggal na sa official list.
Samantala kaugnay ng papalapit na eleksyon, nanindigan ang kabataan partylist na tuloy ang kanilang pagtakbo sa kabila ng cancellation of registration plea ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Inaakusahan kasi ng NTF-ELCAC ang Kabataan maging ang Gabriela partylist na umanoy konektado sa CPP NPA kung kaya’t marapat lamang na hindi na isama sa eleksyon.