-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Laking pasasalamat ng mga residente sa hilagang bahagi ng New Orleans sa Louisiana, USA ang pagbabago ng ihip ng hangin na dala ng Tropical Storm Barry dahil hindi na tuluyang tataas ang lebel ng Mississippi River.

Una rito, binalaan ng mga city officials ng New Orleans ang mga residente doon na siguruhing ligtas ang kanilang mga tahanan, may sapat silang suplay ng mga pagkain at ihanda ang kanilang mga sarili na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan dahil sa nakatakdang pag-landfall ni Tropical Storm Barry na kauna-unahang bagyo sa hurricane season doon ngayong 2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa Filipino-American na si Rhonda Lee Richoux, napagsabihan sila na magiging mabagal ang pananalasa ng bagyo at magdudulot ito ng maraming ulan at puwedeng tumagal ng ilang araw ang pananalasa ng Storm Barry doon.

Malaki aniya ang posibilidad na mabaha ang kanilang lugar sa New Orleans kung masyadong malakas ang pag-ulan na dulot ng bagyo.

Sinabi ni Richoux na napagsabihan na silang umiwas sa mga kalsada habang ilang residente na malapit sa Mississippi River ang sumasailalim sa voluntary evacuation.

Dagdag niya, nakatanggap sila ng balitang bumaba ang lebel ng tubig sa Mississippi River na kanilang ipinagpapasalamat dahil hindi na babaha ang kanilang lugar.