-- Advertisements --
image 150

Kumpiyansa ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan na mapapalawig pa o maipagpapatuloy ang visa-free entry privilege para sa mga biyaherong Pilipino.

Ito ay kasabay ng nakatakdang pag-evaluate ng gobyerno ng Taiwan sa programa nito sa visa-free entry sa July 31, 2023 na siya namang pagtatapos ng visa free entry scheme.

Magugunita na ipinagpatuloy ng Taiwanese government ang visa-free entry scheme nito para sa Filipino travelers noong Setyembre 29, 2022.

Ayon kay MECO Chairperson and Representative Sylvestre Bello III, ipinaalam sa kanilang tanggapan ang posibleng pagkakaroon ng pagbabago sa mga polisiya subalit sa ngayon wala pa silang natatanggap na detalye ukol dito bagamat tiwala ito na hindi tatanggalin ng gobyerno ng Taiwan ang pribilihitong ito dahil kailangan nila ang mga Pilipino.

Saklaw sa visa-free privilege ng Taiwan ang mga aktibidad na hindi nangangailangan ng permits gaya ng pagbisita sa kamag-anak na nasa Taiwan, pagdalo sa social events, turismo, fact-finding missions at international exchanges.