Hinimok ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang mga kapwa niya kongresista na mag-convene sa pamamagitan ng isang “virtual session” para talakayin at aprubahan ang mga mahahalagang panukalang batas sa pag-contain sa pagkalat ng COVID-19 at matulungan ang mga apektadong sektor.
Binigyan diin ni Rodriguez na mahigpit ang bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa social distancing, kaya mainam aniya na mag-set up ang Kamara at Senado para sa isasagawang virtual session lalo pa at may ilang mambabatas ang nasa kani-kanilang distrito sa kasalukuyan.
“I am suggesting that the House and the Senate meet in a special session through video-teleconferencing and other technological means since President Duterte has prohibited mass gatherings and banned travel from provinces to Metro Manila,” ani Rodrigo.
Kaya ang magandang gawin sa ngayon aniya ay manatili na lamang sa kanikanilang bahay silang mga mambabatas habang nagtatrabaho.
Binigyan diin ni Rodriguez na hindi dapat maapektuhan ang kanilang trabaho at hintayin pa ang pagbabalik ng kanilang sesyon sa Mayo 4 para aprubahan ang ilang mahahalagang panukalang batas tulad ng P1.65-billion supplemental budget na tutulong sa Department of Health sa pagbili sa mga kinakailangan na personal protective equipment para sa mga health workers at iba pang medical supplies.
Bukod dito, mahalaga rin aniyang talakayin ng Kongreso sa lalong madaling panahon ang stimulus packages para sa mga manggagawa na apektado nang umiiral na community quarantine sa Metro Manila at iba pang local government units.
“If we wait for May 4 to consider these measures, it might be too late to help the affected sectors,” ani Rodriguez.
Una rito, nabanggit na rin ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang posibilidad nang pagdaraos ng special session sa gitna ng banta at epekto ng COVID-19.